BOHOL ISLAND GEOPARK

KASAYSAYAN NG HEOLOHIYA NG BOHOL

Ang isla ng Bohol, na maituturing na isang hiyas sa gitna ng maraming pulo ng Visayas at Mindanao, ay nagpakita ng iba’t-ibang hubog at hugis sa buong kasaysayan ng kanyang heolohiya. Nabuo ang isla sa pagsasama-sama ng mga samu’t saring bahagi matapos ang napakatagal na panahon. Mula sa kanyang mababang simula sa kailaliman ng karagatan hanggang sa pag-usbong nito sa ibabaw ng dagat, ang kanyang kasaysayan ay minarkahan ng minsang kapanahunan ng tektonismo ng kalupaan o kaya’y banayad na proseso nito, na sumasaklaw ng halos isang daan at limampung milyong taon sa kabuuan.

Ang Alicia Schist ang pinakamatandang bato na nalikha sa kailaliman ng dagat sa pagitan ng mga panahon ng Late Jurassic at Early Cretaceous (146 mya – 66 mya). Nagsimula ang Alicia Schist bilang mga sediment sa ilalim ng dagat na nagpatong-patong at kumapal nang kumapal at ng malaunan ay nasiksik at nakuyumus upang maging batong metamorphic. Nangyari ito mas malayo sa kanyang kinalulugaran ngayon sa ilalim ng karagatan, habang nagaganap ang mabagal na paggalaw o tektonismo ng lithospheric plate na kinabibilangan nito. Pagkatapos ng mahaba at napakatagal na paglalakbay ng Alicia Schist ay bumunggo ito sa Bohol Ophiolite. Ang Bohol Ophiolite ay siya ring nalikha sa kailaliman ng dagat ngunit nagmula pa ito sa ibang bahagi ng karagatan. Sa kalawigan ng panahon ng tektonismo, mula sa kapanahunan ng Cretaceous hanggang Paleocene (66 mya – 56 mya), pumaibabaw ang Bohol Ophiolite sa Alicia Schist, kung kayat nabuo ang pinaka-saligan na pinaka-matatandang mga bato ng Bohol. Nalikha at naitatag sa ibabaw ng mga batong ito ang lahat ng iba pang mga bato na mas bata pa. Magkakasama nilang binubuo lahat ang isla ng Bohol.

Sa pagitan ng kapanahunan ng Paleocene at Late Eocene (56 mya – 38 mya), isang napakahabang puwang sa talaan ng mga bato ang naganap dahil sa proseso ng erosion, na mangyayari lamang kung nakaibabaw na sa dagat ang kalupaan. Ngunit, dahil nagkaroon ng volcanism sa ilalim ng dagat pagkatapos ng pangyayaring ito, nalikha ang Ubay Formation, noong Late Eocene hanggang Oligocene. Kasama dito ang mga batong volcanic at kaugnay na mga sedimentary. Samantala, sa panahon ng Early Oligocene (33 mya – 27 mya), ang kanlurang bahagi ng dagat ay tahimik at payapa, malaking bagay para sa mainam na pagbuo ng Ilihan Shale.

Sa loob at ilalim ng mga naunang mga batong ito ay naganap ang walang humpay na magmatism sa panahon ng Late Oligocene (27 mya – 23 mya). Ito ang nagtustos ng iba’t-ibang mga magma na pumapaloob at sumisingit sa lahat ng mga bato at siya ring tumigas at nabuo bilang mga bato na tinatawag na Getafe Andesite, Talibon Diorite and Jagna Andesite. Ang mga ito ay makikita sa hilaga ng Bohol at sa gawing timog-silangan.

Unti-unti, nagsimulang mabuo ang bagu-bago pang platform sa ilalim ng dagat. Unti-unti itong lumaki at nagkaroon ng anyo at hugis, ngunit nanatili pa ring nasa ilalim ng dagat. Sa ilang bahagi nito, nagkaroon ng angkop na mga kondisyon ng lalim at temperatura ng tubig para sa mainam na paglago at pagdami ng mga maliit na maliit na organismo, tulad ng mga forams; ng mga invertebrates, tulad ng coral; na ilan lang sa karaniwang bumubuo ng mga batong limestone. Mula Early hanggang Middle Miocene (23 mya-11 mya) nalikha ang Wahig Limestone, na binubuo ng mga orbitoid forams. Matapos nito, nagkaroon muli ng maikling panahon ng pagbagsak ng dagat na nagdulot ng erosion na sumira at muntik ng umubos sa Wahig Limestone at iba pang mas matatandang bato. Ngunit, muling lumalim ang dagat pagkatapos nito, sa katapusan ng Middle Miocene, upang minsan pa’y magdulot ng angkop na mga kondisyon para sa pagdami naman ng mga planktic forams at nanoplanktons na nakasama sa mga batong clastic, volcaniclastic at limestone ng Carmen Formation. Ang kalagayan sa patuloy na bumababaw na karagatan sa panahon ng Late Miocene (11 mya – 5 mya), lalo na sa silangan, ay tamang-tama sa pagdami ng mga coral reef na bumubuo sa Sierra Bullones Limestone sa ibabaw ng Carmen Formation. Sa kanluran naman, ang lumalaganap na platform ay malaking dahilan sa muling pagkalat ng malawakang mga kolonya ng iba’t-ibang mga reef na bumubuo sa limestone na miyembro ng Maribojoc Formation sa panahon ng Pliocene (5 mya – 2 mya). Ang mabagal na paghupa ng dagat at paglitaw ng kalupaan sa Late Pleistocene (0.126 mya – 0.117 mya) ay sanhi ng tektonismo at erosion upang maging dahilan ng unti-unting pag-hubog at pag-ukit sa isla ng Bohol na ating nawawaksi sa kasalukuyang panahon.