Hinagdanan Cave

HINAGDANAN CAVE

Ang Hinagdanan Cave ay isa lamang sa dami ng mga kamangha-manghang mga kuweba ng karst sa Probinsya ng Bohol. Ang kuwebang ito ay nadiskubre sa ‘di-sinasadyang pagkakataon ng isang magsasaka habang nililinis niya ang kanyang lupain. Nang makita niya ang isang butas sa lupa, siya ay nagtaka at nag-usyoso. Naghulog siya ng bato at nakarinig ng pagtalsik ng tubig. Gumawa siya ng hagdan papasok sa butas, at namangha siya sa kanyang nakita. Ang nakatagong kagandahan ng kuweba ay ngayo’y kanyang nasilayan. Dahil dito, ang kuweba ay binansagang Hinagdanan. Maipagmamalaki ng kuwebang ito ang marami at kahanga-hangang mga stalactite na nakasabit sa kisame, at mga stalagmite na patusok mula sa sahig ng kuweba, pati na ang malinaw na lawa na may lalim na 10 hanggang 20 metro. Bukod sa kanyang likas na kagandahan, ang Kuweba ng Hinagdanan ay may kahalagahan sa kasaysayan ng Bohol. Ginamit itong taguan ng mga katutubo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig upang makatakas sa mga sundalong Hapon.

IBAHAGI ANG IYONG KARANASAN

#BoholIslandGeopark #BoholGeopark