Cagong-cagong Cave System: Princess Manan-aw Cave

CAGONG-CAGONG CAVE SYSTEM:PRINCESS MANAN-AW CAVE

Ang Kuweba ng Prinsesa Manan-aw ay isa lamang sa mahigit dalawampung mga kuweba na kabilang sa Cagongcagong Cave System na makikita sa Bgy. Cagongcagong sa bayan ng Alicia. Ang mga kuwebang ito ay bunga ng daang-libong taon na pag-ukit ng tubig, tubig-ulan man o tubig sa ilalim ng lupa, sa Sierra Bullones Limestone (Late Miocene, 11 mya – 5 mya). Ang Kuweba ng Prinsesa Manan-aw na piniling maging geosite, ay may habang 195 m, taas na 5.5 m at lapad na 3.7 m sa bukana. Sa loob ng kuweba ay mga kamangha-mangha at kakaibang anyo at hugis na nabuo nang napakabagal sa pagtulo ng tubig na may calcium bicarbonate mula sa limestone. Habang tumutulo ang tubig mula sa kisame, tinutuyo ito ng hangin na dumadaloy sa loob ng kuweba, kung kaya’t namumuo muli ang calcium carbonate bilang limestone na may mga hugis at anyo na tulad ng stalactite at stalagmite, at iba pang mga kakaiba at kakatwang mga likas na pambabaeng mga hugis, na pinagmulan ng pangalan ng Prinsesa Manan-aw.

IBAHAGI ANG IYONG KARANASAN

#BoholIslandGeopark #BoholGeopark