ALICIA SCHIST
Ang Alicia Schist ay itinuturing na pinaka-matandang bato sa Bohol. Ito ay ipinangalan sa bayan kung saan ito matatagpuan, ang bayan ng Alicia. Ang mga batong metamorphic na ito ay nabuo sa pagitan ng mga panahon ng Late Jurassic at Early Cretaceous (146 mya – 66 mya). Nagsimula ang Alicia Schist bilang mga sediment sa ilalim ng karagatan na nagpatong-patong, at kumapal nang kumapal hanggang ito’y maging batong sedimentary. Pagkatapos nito, dahil sa malawakan at matinding puwersa, patuloy itong nasiksik at nayupi, nakuyumus at unti-unting umakyat papunta sa ibabaw ng dagat. Dahil dito, ito’y naging batong metamorphic na tinatawag na schist na may hitsurang wari’y maninipis na suson na patong-patong na maaring madaling biyakin at paghiwa-hiwalayin. Ang Alicia Schist ay makikitang nakalantad sa gilid ng mababang burol sa tabing-daan sa Brgy. Cayacay, Bohol. Makikita rin ang ibang exposures sa bayan ng Ubay.